Pagtuklas

'}}

Sana hindi ka mapagod hangga't nasa proseso ka ng pagtuklas.
Kahit tila matagal at napag-iiwanan sa ilalim ng kalawakan
patuloy mong hanapin ang sagot sa mga balangkas.
Kahit ang daanan mo'y batuhan at mga dawagan,
manatili ka sanang matatag kagaya ng punongkahoy sa kagubatan.
Kahit 'di ka makasabay sa mabilis na pag-usad ng mundo,
patuloy mo pa rin ihakbang ang mga paa mo,
papunta sa lugar kung saan naroon ang kasiyahan at kapayapaan .

Huwag mong hayaan na ang takot ay mamutawi sa iyong dibdib,
Mga ligalig na mistulang kumakalabog at sumasabog pagsapit ng dilim.
Sikapin mong hanapin ang liwanag kahit ang ulap ay makulimlim,
kahit malakas ang ihip ng hangin, at kahit ang ulan ay 'di natitinag.
Hayaan mong iduyan ka ng hangin hangga't kasagutan ay iyong mabatid.
Patuloy mong hanapin ang mga hinaing na isinulat mo sa buhangin,
At sa iyong pagmamasid, pagtitimpi, paglalakad, at pananalangin.
Matutuklasan mong Siya ang tanging tugon sa mga tanong sa mga bituin.


Published by

A lady who has been pondering her hope into Christ, inhaling His grace, and enjoying the beauty of life. Writing about life, asking God about "kuliglig sa kanyang dibdib."