Nakakalungkot ang kulay ng kalangitan, 'di ko mahagilap ang sinag ng araw gayong tanghaling tapat pa lamang. Gusto kong bumalik at magtalakbong ng kumot, humiga sa papag, humigop ng mainit na kape, at iduyan ang sarili sa musika. Tila kay bagal ng mga araw at minsan 'di mapigilang mangamba sa mga araw na dumarating. Napabuntong hininga na lang ako at tinuloy ang paghakbang.
Habang nagmamasid sa palagid ay sumabay ang mabagal na pagpatak ng ulan, pagbulusok ng usok sa pampasaherong dyip, walang patid na sigaw ng barker, pagpupumilit ng isang ginang, paghikab ng ginoo sa kanyang malapad na higaan, at pangangalakal ng mga musmos.
Tila nanlambot ang aking mga tuhod ngunit pinilit magpatuloy. Dala-dala ang mga papeles na pinagsumikapan ay nadagdagan na naman ang aking insipirasyon na pagbutihin ang munting pangarap.
At sa aking pagsakay ay nahagip ng aking paningin ang mga kolehiyala; masaya na nagkukwentuhan at nagbubulungan. 'Di ko mapigilang ikiling ang aking leeg at masdan ang kanilang mga mata, mga tingin na nagniningning dulot ng malapit na pagtatapos.
Limang taon na ang nakalipas noong ako'y nakapagtapos at nakamit ang aking pangarap. 'Di ko mapigilang mapaluha dahil malayo na rin ang aking narating, kahit tila napag-iiwanan ng mga kasabayan. Heto ako magsisimulang magsimula muli sa lugar na walang kasiguraduhan.
Malayo pa rin ang tatahakin na landas, may kaba pa rin sa dibdib ngunit pagsapit ng gabi ay may kakaibang kapayapaan at pag-asang nagbibigay sigla. Makulimlim nga ang kalangitan ngayon, maaaring 'di lang para sa akin, pati sa nakakarami. Subalit, sisikat pa rin ang araw, pag-asa'y parating.
Nabigo man, magpapatuloy pa rin.
"Manong, dito na po ako."