Marahang pagpatak ng ulan kasabay na malumanay na pag-ihip ng hangin, tila dinuduyan ako at sabayan mo ng mainit na kape at pandesal na may palaman na Reno Liver spread o kaya Spanish bread with matching soundtrip ni Johnoy Danao at Ebe Dencel bigla akong napaisip, "masarap maging Pilipino at manirahan sa lupang sinilangan." Kay bilis ng panahon, sarap magsenti, magsulat at makinig sa iba't-ibang obra maestra. Masarap namnamin ang bawat segundo, payak na pamumuhay ng karamihan sa atin ngunit abot langit pa rin ang mga ngiti sa labi sa kabila ng hirap at pagdurusa. Konting musika, pelikula, indak, samahan mo ng kakaibang pananampalataya ng mga pinoy, tiyak mabibigat na pagsubok malalagpasan.
Habang lumilipas ang panahon, totoo pala ang sinasabi nila na mas gugustuhin mo ang simpleng pamumuhay. Mas madali nang palagpasin 'yung mga pangarap na malawak at mabigat. Ang daling sabihin dati na gusto kong mangibang bayan, magturo sa ibang lahi at humiga sa maraming pera. Siguro, normal lang itong pangarap ng mga kabataang Pilipino. At sa pagtuturo sa kolehiyo, karamihan sa kanila ay ito ang nais. 'Di mo sila masisisi, mahirap maging mahirap sa ating bansa. Halos, isang taon palang ako tumatapak sa pampublikong unibersidad, ibang-iba sa aking mga estudyante noon, na halos nasa mataas na estado ng lipunan.
Mas madaling makinig at magkuwento dahil parehas lang naman kami ng pinanggalingan, pero iba ang epekto ng mga kuwento nila sa aking kaluluwa, malilim. Marami akong natutunan, mga bagong kuwento na dumadagok sa aking kalamnan, sinasalamin nila ang henerasyon ngayon at ang kinabukasan ng ating bansa. Bigla kong minamahal ang pagtuturo at pagsusulat, ibang klase. Totoo, walang halong biro- ibang kulay, ibang teksto, ibang lente... Ewan ko, 'di ko mapaliwanag.
Totoo rin naman, mahirap mahalin ang ating bansa, baluktot na sistema ng pamahalaan, kaliwa't kanan na korapsyon at polusyon, hayag na abutan at bigayan ng droga. Maraming kabataan ang apektado nito, nakalulungkot. At hanggang ngayon tila wala pa ring solusyon at aksyon. Tila iilan lang ang nakitingin sa mga nasa laylayan.
Karapatan ng mga pilipino na makapag-aral, ngunit karamihan sa kanila ay hikaos pa rin, imbes na isipin kung paano nila tatapusin ang kanilang mga gawain, kailangan muna nilang gumawa ng paraan upang makapagdeliyensa ng pamasahe at panglaman ng sikmura. Sa aking pagbabasa ng kanilang mga tula, sanaysay, mga kuwentong isinulat-- halos iisa ang mundo ang kanilang nilalakbay. Paano nga ba matatakasan ang kahirapan? Sapat na nga ba ang makapagtapos sa kolehiyo? O kailangan talagang lumisan at lumayo sa bayang ito upang gamutin ang sugat bunga ng kahirapan?
Pero, iba ang nagagawa ng pagsusulat. Karamihan sa kanila ay mahusay, bawat salita ay tumatalima at tumutugma. Bawat kuwento may pag-asa, may ritmo at may indayog- may kulay. Tunay nga, kaya kang palayain nang pagsusulat at pagkukuwento. Maaaring 'di pa rin tapos, kahit minsan tila walang patutunguhan, ang mahalaga ay nasimulan.
Tumila na ang ulan, teka baka lumamig na ang aking kape.